Ordinaryong Biyahe
ni Johnjo Tuason
Ala una ng hapon nang sumakay si Mona sa air-conditioned bus sa Baclaran. Para siyang robot at wala ang isip habang pumapanhik ng estribo hanggang sa naupo siya sa bandang likod na upuan, sa kanang bahagi ng bus. Dahil tanghaling tapat ay wala masyadong pasahero sa bus. Mataas ang araw kaya ginhawa ang pumasok sa de erkon na sasakyan.
Kaya parang robot si Mona ay dahil iniisip niya ang mga problema ng kanyang pamilya. Paano ba masosolusyunan ang mga problema kung ito ay tungkol sa pera? Kahit na call center agent siya at kumpara sa ibang trabaho ay malaki-laki na ang sahod, tila di pagkasyahan ang mga nag-uunahang babayarin: Matrikula ng nakababata niyang kapatid na si Sabel na nagna-nursing. Ang pang-dialysis ng Lolo Teddy niyang talamak sa alak noong kabataan kaya ngayo'y sinisingil ng kanyang mga bato (bakit ba pati siya ay kailangang singilin?). Pambayad sa kuryenteng may disconnection notice (para sa'n ba ang "environmental fee" na nakasulat sa billing?).
Paano na sila ni Emman? Matagal na nilang pinag-uusapan ang kasal nila na parang hanggang pangarap na lang sapagka't napakaraming obligasyon na kailangang harapin.
Tumingin sa labas si Mona at nakita niya ang Heritage hotel. Naisip niyang sana ay dito ganapin ang reception ng kanyang kasal.
Sumakay ang dalawang lalaki. Ang isa ay may kargang backpack. Umupo sila sa bandang gitna at hinubad ng huli ang kanyang backpack at nilagay sa ilalim ng upuan. Pinara nila ang bus sa may Evangelista at bumaba sila.
Magaalas-dos nang sumabog ang bus habang papalapit sa istasyon ng MRT sa Buendia at nagising ang inaantok na hapon.
Nagbuntunghininga si Mona. Hayaan na nga ang problema, sabi niya sa sarili. Sabi nga ng teacher niya sa Values Education sa high school, "All things pass, only God remains."
Napansin ni Mona na parang ang haba-haba ng biyahe at hindi pa siya makakarating sa destinasyon niya. Isinandal niya ang kanyang ulo sa bintana at siya'y natulog.
At natulog pa nang hindi nanaginip.
---January 29, 2011; Saturday
Tatlong araw pagkatapos ng balitang sumabog na bus sa Makati.
No comments:
Post a Comment