Bagyong Cecilia
(Para kay Celina Dajang)
Ni John Joseph Cornelius B. Tuason
Ang sabi sa radyo ng dyip, signal number one na sa Metro Manila. Isa itong mabuting balita para kay Cecilia. Kahapon pa niya naisip na magandang signos ang pagiging magka-tokayo nila ng paparating na bagyo at heto na nga, inaanunsyo na sa balita na maaaring suspendihin ang klase bukas. Nakakailang linggo pa lang mula nang magbukas ang klase ngunit parang isang taon na ang lumipas ang pagod ni Cecilia sa pagtuturo. Salamat naman at makakapagpahinga siya bukas, naisip ni Cecilia. Kahit na alam din naman niya na ang “pahinga” na kanyang pagsasamantalahan ay paggawa din ng lesson plan at pagwawasto ng mga pagsusulit. Ang mga ito ang nilalaman ng kanyang bag, akap-akap niya sa siksikang dyip upang siguraduhing hindi mabasa kahit gapatak lang ng rumaragasang ulan. Hayaan nang nababasa ang kanyang likod kahit may tabing na plastik ang bintana ng dyip huwag lang ang mga kagamitang nagbibigay kahulugan ng kanyang pagkatao. Sapagka’t para kay Cecilia, ang pagiging guro ay hindi trabaho kung ‘di ito’y ang kanyang pagkatao. Ang pagtuturo ay dumadaloy sa kanyang dugo at ito din ang dumaloy sa mga ugat ng kanyang ina at sa ina nito at sa ina rin nito bago dito. Isang “kayamanan” na sa kanya na ipinamana.
Isa sa mga pinakabatang guro sa faculty si Cecilia. Apat na taon pa lang siyang gradweyt ng Pamantasang Normal. Agham ang itinuturo niya. Pinaiintindi niya sa kanyang mga estudyante sa Mataas na Paaralan ng Elpidio Quirino ang mga batas na nagpapatakbo ng Pisika. Sinisigurado din niyang sa kanyang pagtuturo ng mga teorya at hiwaga ng agham na mabatid ng mga estudyante kung gaano kadakila at katalino ang Diyos na nagpapakilos sa mga ito. Para kay Cecilia, ang pinakamahusay na maituturo ng isang guro ay hindi lamang mga konsepto ng kanyang subject kung hindi pati na rin ang mga leksyon sa Diyos at buhay.
Masaya si Cecilia sa kanyang ginagawa. Hinahalintulad niya ang edukasyon sa isang mala-diwatang babae na nagbabantay sa dumadaloy na tubig ng bukal ng karunungan, hinihimok ang sino mang nais uminom, magtampisaw at maligo dito.
Pinapara ni Cecilia ang dyip sa tapat ng kanilang maliit na subdivision ngunit dahil siguro sa lakas ng ulan ay kinailangan pa niyang sabihan ang mamang drayber ng tatlong beses bago ito tumigil. Kaya ngayon, kailangan pa niyang bagtasin ng mga isang kilometro ang high way. Nasa kabilang bahagi ng high way ang kanilang subdivision kaya kakailanganin pa niyang tumawid sa madilim na overpass.
Tatlong taon pa lang ang overpass nang ipinatayo ito ni Meyor pero di mawari kung bakit hindi ito pinaiilawan. Tuloy, balitang pinupugaran ito ng mga masasamang loob. Tambayan ng mga snatcher at holdaper. Hindi naman takot si Cecilia sapagkat dito na siya sa lugar na ito lumaki. Bago pa ipinatayo ng gobyerno ang pabahay na ngayon ay naging kanilang subdivision, nakatira na dito ang kanyang mga magulang. Kilala niya ang lahat at kilala siya ng lahat. Ang matalino, aktibo at bibang-bibang panganay ni Mang Castor na master electrician at ni Aling Cely, ang kaka-retiro lang na principal ng Elpidio Quirino.
Respetado ng magkakapitbahay ang mga De Mano. Hindi nga ba apat na magkakasunod na taon na naging baranggay tanod si Mang Castor bago ito na-mild stroke sampung taon na ang nakakaraan? Halos lahat naman ng mga tao sa kanilang lugar ay dumaan sa mapagkalingang kamay ni Mrs. De Mano bilang kanyang mga estudyante. Ang tatlo niyang nakababatang kapatid ay hindi kailanman nalaglag sa honor roll at hindi mapaparatangang dahil ang nanay nila ang principal ng paaralan. Ito’ y sapagka’t pawang matatalino ang mga magkakapatid na De Mano. Sa katunayan nito, si Cecilia nga’y nagtapos na Suma cum Laude sa Normal at ngayon ay isa sa mga pinakamahusay na guro sa Elpidio Quirino, sunod sa yapak ng kanyang ina.
Walang magtatangka ng masama kay Cecilia. Panatag ang loob niyang makita man siya ng mga haragan sa kanilang lugar, ang mga ito pa ang magtatanggol sa kanya.
Gutom na gutom na si Cecilia. Mag-aalas-otso na siya ng gabi umalis sa bahay ng pinagtu-tutoran kanina. Tatlong beses sa isang linggo kung siya’y mag-tutor. Pandagdag sa kita bilang guro.“Kasama na iyon sa package ng bokasyong ito“, sabi niya minsan sa isang kaibigang nagtataka kung bakit pa siya nagtiyatiyaga sa hindi kalakihang suweldo.
Tumigil muna siya sa tapat ng turo-turo na nakatayo sa paanan ng overpass na kung tawagin niya nang pabiro’y hagdanan papuntang Bat Cave. Bumili ng isang plastik ng goto na kakainin pag-uwi ng bahay at turong saging na kanyang ngangatain habang naglalakad. Medyo hirap pa siyang ipitin ang kanyang payong sa pagitan ng kanyang braso at balikat habang inilalagay sa bulsa ng kanyang jacket ang mainit na plastik ng goto. Pinagdulutan niya iyon ng ginhawa mula sa ginaw na kanyang nararamdaman. Binuksan niya ang balot ng turon at sinimulan ang pag-kain nito...
Umakyat si Cecilia sa hagdanan ng overpass. Pinipilit niyang palakihin ang kanyang mga mata upang makita ng malinaw ang tinatapakan. Ipinangako niya sa sarili na kakausapin bukas ang kabarkadang SK Chairman para gawing proyekto ang pagpapailaw sa “hagdanang papuntang Bat Cave”. Dinaan ni Cecilia ang madilim na pasilyo ng overpass at naramdaman na niyang bumabara ang ilong niya, allergy sa matapang na panghi na kanyang naaamoy. “Pati paglinis ng overpass na ito ay kinalimutan na ata”, sabi niya ng malakas sa sarili. Mga kaibigan man niya’y sanay na sa kanyang pagsasalita mag-isa. Thinking aloud, paliwanag niya.
Nasa kalagitnaan na si Cecilia ng pasilyo nang mapansin na may mga hugis ng tao na papalapit sa kanya. Sinimulan siyang kabahan at binagalan niya ang kanyang paglalakad. Baka naman tulad din niyang dumadaan sa overpass ang mga taong ito, inisip niya. Ngunit ang bilis ng tibok ng kanyang puso’y di natinag at di umalis ang matinding kaba sa kanyang dibdib. Sandali pa’y nakikita na niya ng malinaw ang tatlong mukha ng tatlong binatilyong basang basa ng ulan, mga payat ang mga katawang kulang sa nutrisyon. Madudungis ang suot na mga T-shirt na sobra ang laki para sa kanila. Ang mga mata’y mapupungay at mamula-mula na tila bagong gising…o di kaya’y kinulayan ng hinithit na rugby?! Kinilabutan ng matindi si Cecilia.
Isa sa mga binatilyo ang naglabas ng kanyang kamay mula sa malaking T-shirt nito. Hawak nito ang isang kinakalawang na ice-pick at ngayo’y nakatutok na sa kanyang mukha.
“Ate, pera at cellphone, dali”! Utos nito.
Umatras si Cecilia pero agad na naglakad papunta sa kanyang likuran ang dalawa pang bata para siya harangan. Nanginig nang husto si Cecilia; naghalong ginaw na dulot ng binabagyong gabi at hilakbot na nararamdaman niya ngayon. Nabitawan ni Cecilia ang kanyang bag na lalagyan ng mga gamit-guro at kumalat sa pasilyo ang mga pagsusulit at lesson plan. Mabilis na sinapian ang mga ito ng tubig mula sa sementong sahig.
“Ano ba”, sigaw ng nasa likod. “Ibigay mo na!” Nagmura ito ng malutong.
Ano ba ang mga edad ng mga ito, nasaisip ni Cecilia. Trese anyos? Katorse? Ang akala niya, kung siya man ay harangin ay mga lalake na nasa kanilang mga hustong edad ang gagawa nito. Diyos ko! Ang mga batang ito’y kasing-edad lang ng kanyang mga estudyante!
Nagmura muli ang binatilyo sa kanyang likuran. Hindi sanay si Cecilia sapagkat ang mga estudyante niya’y ginagalang siya. Kahit na iyong mga pinaka-pilyo at pinaka-barumbado niyang estudyante.
Nanginginig ang kamay ni Cecilia habang kinukuha niya ang kanyang cellphone mula sa bulsa ng kanyang jacket. Umiiyak na siya. Inabot niya ito sa batang nasa harapan na agad namang hinablot mula sa kanyang kamay. Dahan-dahan siyang yumuko at pinulot ang bag at hinalukay sa loob ang kanyang pitaka. Di pa niya nailalabas ang kanyang mga kamay ay hinablot naman ng binatilyo mula sa kanyang likod ang kanyang braso at inagaw mula sa kanya ang kanyang pitaka. Napatalon si Cecilia sa gulat.
Binuksan ng haragang bata ang kanyang pitaka at sinilip ang salapi sa loob. Hinugot nito ang graduation picture niya at tinitigan. “Maganda ka pala ate”, sabay tawa. Yung tawa na sa pelikulang kakatakutan lang niya naririnig. Hinagis nito ang kanyang litrato sa sahig at sumamang sumipsip ng tubig kasama ng mga nagkalat na papel sa semento.
Naglakad ang dalawang binatilyo mula sa kanyang likuran at tumabi sa nantututok sa kanya ng ice pick. Napagmasdan niya ang mukha ng pinakamaliit sa kanila. Ang batang sa buong pagkakataong iyon ay hindi niya narinig magsalita. Malungkot ang mga mata nitong pinabangag din ng rugby. Tila naaawa sa kanya.
“Hindi pa nauubos ng kasamaang dulot ng kahirapan ang konsensya nito”, naisip ni Cecilia. Hindi niya napansing malakas niya itong sinabi. Thinking aloud muli. Kumislot ang mga mata ng batang maliit. Parang nagulat. Parang may kung anong napagtanto. Parang binulungan ng konsensyang magsisi.
Nilabas ni Cecilia ang goto mula sa kanyang bulsa at inabot sa bata. “Heto, kunin niyo na din”, mahinahon niyang sinabi. Dahan-dahan itong kinuha ng batang maamo ang mukha.
“Tara na!”, utos muli ng may patalim. Tumakbo na ang tatlo papalayo. Paminsan-minsan lumilingon ang pinakabatang may konsensya. Halos kaladkarin ng mga kasama tumakbo.
“Sandali!” Sumigaw si Cecilia. Tumigil sa pagtakbo ang mga bata at lumingon sa kanya. Para siyang isang panginoon na nagbigay ng utos. Sa sandaling iyon ay tila nagsa-bata muli ang tatlo at natakot siguro sa boses niyang may awtoridad kaya agad-agad sumunod ang mga ito sa kanya.
“At ano pagkatapos?” Nanginginig siyang nagsalita. “Ipangbibili niyo ‘yan ng pagkain? At pag naubos na ang pagkain ninyo? Bibili kayo muli ng rugby para makalimutan ninyong gutom kayo? Pagkatapos nito ay magugutom kayo uli!” Histerikal na sigaw ni Cecilia.
Tuluyan nang tumakbo ang mga bata pababa ng overpass. Humahagulgol si Cecilia habang nakaluhod sa basang semento, pinulot isa-isa ang mga nabasang papel at pinasok sa kanyang bag. Hindi niya pinansin na kumalat na ang sulat ng tintang itim at karamihan sa mga ito’y di na mababasa pa. Pinulot niya ang kanyang litrato at tinitigan ang sariling naka-toga. Sinipat niya nang mabuti ang kanyang mga matang nakangiti sa litrato. Mga matang puno ng pag-asa at idealismo. Ng paniniwala sa kabutihang magagawa ng edukasyon. Sa pagbabago at paghuhubog na dulot nito para sa Pilipinas at sa buong daigdig. Hindi na siya ang babae sa litrato. Sapagkat nakasalamuha niya sa gabing ito ang kasamaang dulot ng kahirapan. Na siyang halimaw at ganid na umuubos at nagpapatuyo sa dumadaloy na tubig sa batis ng diwata. Sa sandaling iyon ay nakaramdam ng hindik si Cecilia hindi dahil sa karanasan niya sa gabing iyon kung ‘di dahil sa katotohanang baka di magtagal ay wala nang mainom mula sa batis ng karunungan ang mga bata sa bansang ito.
Naghalo ang dumadaloy na luha mula sa mga mata ng gurong nagngangalang Cecilia at ng ulang ibinubuhos ng bagyong ka-tokayo niya.
-WAKAS-
July 26, 2008
No comments:
Post a Comment