Friday, March 11, 2011

Kuwentong Paspasan: Ang Manunulat

Ang Manunulat
ni Johnjo Tuason

Naghanap ng kuwento ang Manunulat sa buong Maynila. Sumakay siya ng LRT sa Baclaran at habang binabagtas ng tren ang ibabaw ng siyudad ay napansin ng Manunulat ang mga lumang gusali at simbahan na katabi ng mga bangko, condo at shopping malls.

Wala siyang nakitang kuwento.

Napansin niya ang mga mosoleyong tsino sa Chinese cemetery at naakit sa mga puno ng kalachuching hitik na hitik sa mga puting talulot.

Ngunit di pa rin siya nakakita ng kuwento.

Nakarating siya sa Kalookan at sumaglit sa Ever Gotesco para panoorin ang mga magsing-irog na kumakain sa food court, ang mga tindera ng cellphone na nililigawan ng mga nagbebenta ng DVD. Ngunit walang bagong salaysay na nabuo sa kanyang isip.

Kaya't tinamad ang Manunulat at sumakay muli ng LRT at bumaba sa may Malate. Nilakad ang pasikot-sikot na mga tindahan, restawran at kapihan. Nagdesisyon siyang tumambay sa Baywalk para manuod ng paglubog ng araw. Naupo siya sa tabi ng bronseng Ninoy Aquino at nilabas ang ballpen at notebook. Ginuhit niya ng mga titik ang pagkalat ng kahel na liwanag sa kalangitan. Naramdaman niyang kalahati ng kanyang mukha ay sinisinagan ng araw. Wala pa ring nabuong kuwento pero natahimik ang puso niyang naghahanap.

Biglang dumating ang malaking tsunami, dinaganan siya ng malaking alon at hinila siya papuntang laot. Nakapagtatakang walang natinag sa paligid. Tulala ang mga tao sa kalye sa nangyari. Hindi umusad ang traffic sapagkat ang mga driver ay namutla sa takot. Parang nag-commercial gap lang ang buhay.

Nasaksihan ng isang reporter ang nangyari at agad kinuha ang kanyang radyo.

"Ed, news flash," sabi ng reporter. "Meron akong kuwento!"

WAKAS
March 12, 2011

No comments:

Post a Comment