For Hire
ni Johnjo Tuason
Ang Magkakapitbahay
Siya si Jose Contigo. pero kakaunti lang ang nakakaalam na Jose Contigo ang totoo niyang pangalan. Siya si Toto para sa lahat. Mang Toto. Kuya Toto. O simpleng 'To.
Para sa mga magkakapitbahay sa kanilang lugar ay isa siyang misteryosong taong bigla na lang sumulpot sa kanila sa Ubasan Site, isang maulang Nobyembre ng hapon. Dala-dala ang kanyang pamilya sa isang inupahang dyip, ay inokupahan nila ang maliit na kongkretong bahay na inalisan ng mag-asawang nangibang-bansa para magtrabaho. Pinanuod ng magkakapitbahay ang maliit na mag-anak habang ipinapasok ni Toto ang kanilang gamit at ipinaparada ang kanyang motorsiklo sa harap ng bahay. Sinipat nila ng husto ang asawa ni Toto na si Joy at ang pitong taong gulang na anak nilang si Joey na bitbit ang isang manikang basahan na "Handy Mandy".
Nakakausap ng mga kababaihan na parating nagkukuwentuhan sa harap ng tindahan ni Aling Marta si Joy. Bata pa ito, mga beinte otso, magalang at palangiti. Ngunit ang pag-uusap na iyon ay di naman lumalagpas sa "tanong-sagot", "Kamusta-Okey naman po". Palaisipan tuloy sa kanila si Joy at di nila mapagtsismisan ng husto sapagkat wala naman itong kakaibang kinikilos.
Ang batang si Joey naman ay hindi pala-labas. Kahit iniimbitahan ng barkadang sina Gabby, Plong, Noel at John-Loydd na mga tsampyon sa tumbang-preso, tex at pogs ay di ito sumasama sa kanila. Dahilan ni Joey ang, "Ayaw ng Mama ko na lumabas ako" at "mag-aaral pa ako".
Hindi din mayaya ng mga kalalakihang tambay si Toto para sumalo sa kanilang inuman tuwing gabi. Ang dahilan naman niya ay ang kanyang trabahong pang-gabi at madaling araw na ito kung umuuwi.
Kaya bulung-bulungan ng mga magkakapitbahay ay sari-sari:
"Baka sekyu."
"Di naman nakauniporme."
"Baka pusher."
"Holdaper."
"Kolboy kaya?"
"Bampira!"
Tawanan.
"Parating nakaitim eh!"
Si Jose Contigo
Sa loob ng utak ni Toto o Jose Contigo ay wala siyang pakialam. Ang mundo niya ay umiikot lang sa kanyang pamilya at sa kanyang trabaho. Pero kahit sa loob ng tahanan ay nananatili siyang malayo ang loob at bihira magsalita. Hindi siya nagapakita ng emosyon, kahit sa anak na si Joey. Ang usapan nila ay hindi lumalagpas sa "matulog ka na-opo Papa" at "pakiabot ng sapatos-opo Papa."
Pero noong kaarawan ni Joey ay naisip ni Toto na kailangan maging masaya ang bata. Dinala niya ang kanyang mag-ina sa Star City at isinakay ang anak sa mga rides. Kuntento si Toto na makitang masaya ang anak, ngiting-ngiti habang nakakapit sa manikang "Handy Mandy" habang nakasakay sa tsubibo.
Nang kumain sila sa Jolibee bago umuwi sa bahay, di inaasahang tinanong ni Toto ang anak. "Joey, ano'ng gusto mo maging paglaki mo?"
"Doktor po", sagot ng bata.
"Mag-aral ka nang mabuti", sabi ni Toto. "Para maabot mo'ng gusto mo."
Si Joy
Natuwa si Joy at ninamnam ang pagkakataong nakitang nagkaroon ng malalim na relasyon ang kanyang mag-ama kahit sa bihirang pagkakataon.
Minsang sama-sama ni Joy ang anak bumili ng bigas sa tindahan ni Aling Marta ay sinabi sa kanya ng matanda,"Naku Joy, huwag mo sanaying manika ang hawak ng anak mo at baka mabakla 'yan. Dapat ang nilalaro niyan, baril-barilan!"
"Ay, hindi po", salungat ni Joy. "Pinagbabawalan po ni Toto si Joey na maglaro ng baril-barilan."
Wirdong ama, naisip ni Aling Marta.Sa wakas ay mayroon na siyang ikukwentong muli kina Aling Tilde at Mareng Susan mamayang hapon.
Arkila
Alas-dos ng madaling araw, sakay ng kanyang motorsiklo, nakaabang si Jose Contigo sa tapat ng isang malaking bahay sa Taguig. Lumabas mula sa sa gate ang isang matabang lalake na may singkuwenta anyos. Ito ang pinatatrabaho sa kanya ngayong gabi. Ipinasok ni Jose ang kamay sa bulsa ng kanyang leather jacket at hinawakan ang baril na kanyang gagamitin.
Napaso siya sa malamig na bakal ng kanyang sandata.
WAKAS
No comments:
Post a Comment