Chain Letter
ni Johnjo Tuason
Kanina paglabas ni Lovely mula sa Adoration Chapel of the Blessed Sacrament ay nakita niya ang halos isang pulgadang kapal ng mga kopya ng panalangin sa Our Lady of Lakshmiranshivanshiya na nakapatong sa bookshelves ng mga prayer books.
Tinanong niya muna sa sarili, "Saan ba ang Lakshmiranshivanshiya?" Kaya kumuha siya ng isa at binuklat.
Nalaman niya tuloy na ang Lakshmiranshivanshiya ay isang tagong village sa Sri Lanka na narating diumano ng mga misyonerong paring Italyano. May dala silang antigong estatwa ng Mahal na Ina na nililok sa kahoy at kinoronahan ng gintong may mga hiyas. Ang kuwento ng leaflet, isang babaeng Sri Lankan daw ang pinagpakitaan ng Mahal na Birhen at binigyan ng ganitong mensahe:
"Believe in me, my daughter. I am your mother and the mother of the whole world. Have devotion to my image and pray the prayer I will give. Do not mock or debase this prayer or you will suffer the pains of hell!"
Tiningnan ni Lovely ang harap ng leaflet at pinagmasdan ang maamong mukha ng imahen na tila nakangiti sa kanya at nag-aanyaya. Naisip niya ang lahat ng problemang idinulog niya sa harap ng Santisimo Sacramento kanina. Ang di mabayarang upa sa bahay na kalahating taon na. Ang babayaran niyang tuition fee ng panganay niyang graduating sa high school ay puro DOTA lang at Left for Dead naman ang inaatupag. Ang bunso niyang si Junior na madalas atakihin ng hika. Ang asawa niyang sumama sa ibang babae at di na kailanman nagpakita.
Sa mga mata ng imaheng ito ay nakakita si lovely ng kislap ng pag-asa. Binuklat niya uli ang papel at binasa ang dasal.
"Most Holy Mother of Lakshmiranshivanshiya, we implore your gracious and merciful heart, bestow upon us the graces that we desire especially (mention here your request) and show us the way to your love, Amen".
Sunod dito ay pinagdadasal siya ng sampung Our Father, sampung Hail Mary at sampung Glory Be. At pagkatapos ay may mga huling bilin.
"Make 500 copies of this prayer and leave it by the church doors. Do not take lightly. Manny Pacquiao received this prayer and followed the instructions and won his first boxing match abroad. Charice Pempengco prayed this and she was accepted in the Glee audition. On the other hand, Manny Villar ignored this prayer and lost the presidential elections. Atty. Lamberto Vendecado of Misamis laughed at this prayer and had an accident and died. His face was unrecognizable."
Ito na ang hinihintay na kasagutan sa mga dasal ni Lovely. Dali-dali siyang pumunta ng mall at pina-photocopy ang panalangin.
"Magkano?", tanong ni Lovely sa nagkokopya.
"500 pieces po. P 1.25 ang 'sang kopya", sagot ng babae.
Seven hundred lang ang pera ni Lovely sa pitaka. Wala na siyang pera sa ATM. Six hundred twenty five ang kanyang babayaran. At least may matitira pa siyang seventy five pesos. Tama lang sa pamasahe niya pauwi at pamasahe niya bukas papuntang opisina. Hihiram na lang muna siya ng pera sa kasama sa trabaho.
Habang buhat-buhat ang halos tatlong pulgadang kapal na mga papel ay umakyat si Lovely ng foot bridge at tumawid sa ibabaw ng malawak na highway. Tumunog ang message alert ng kanyang cellphone. Tumigil siya sa gitna ng tulay at hirap na kinuha ang telepono sa bag para basahin ang text.
"Anak, punta k d2 osptal. nsgsaan c junior. hngi emrgncy ward deposit P 600.", text ng nanay niya.
Tuluyang dumulas ang mga dasal mula sa kanyang mga kamay at parang nalagas na pakpak ng anghel na nagsiliparan ang mga papel mula sa itaas ng footbridge papunta sa lupa.
MAY NAKAPULOT NG ISANG MADUMING PAPEL SA ILALIM NG FOOTBRIDGE.
Napatanong ang taong nakapulot, "Saan ba ang Lakshmiranshivanshiya?"
-WAKAS-
--February 23 at 25, 2011
Salamat kay Del Cabanog para sa mungkahing katapusan.
No comments:
Post a Comment