Mga Kuwentong Puso
ni Johnjo Tuason
Huwag kang mag-alala, Di ako iiyak.
Hindi magdaramdam, Kahit na ga patak.
Pag-ibig na minsan, na ating dinanas
Sa tulad kong putik, Tama na at sapat.
--Flippers
Ikaw, paano mo ipagdiriwang ang araw ng mg puso?
Siguro tulad ng kay Sally Benipayo na teller ng isang malaking bangko sa Ortigas. Nangangarap siyang sunduin ng kanyang nobyo pagpatak ng alas-singko ng hapon, may handog na isang bungkos ng rosas Dangwa. Isasakay siya sa kotse nito at dadalhin sa isang mamahaling restawran.
Nang dumating ang alas-singko ay sinundo nga siya ni Jay. May dala nga itong isang bungkos ng rosas Dangwa at ibinigay sa kanya nang nakaluhod at pinagkiligan ng kanyang mga kapwa teller. Dinala nga siya sa isang mamahaling restawran na may biyolinistang tumutugtog sa maliit na platform. Parang eksena sa pelikula ang lahat, naisip ni Sally. Parang siya si Sarah at si Jay ay si John Loydd. Ngunit kinabahan siya nang lumuhod si Jay sa kanyang harapan at nagbukas ng isang pulang kahon na may dyamanteng singsing. Napatayo si Sally, nag-excuse me at nagmamadaling pumunta ng ladies room. Nagkulong sa cubicle at naupo sa tinakpang kubeta.
"Hindi ko magagawa ito", ang sabi ni Sally sa sarili.
Siguro isniisip mo din, tulad ni Kevin Torres, kung ano ang ibibigay sa minamahal sa araw ng mga puso. Fourth year high school siya sa isang pribadong paaralan at noong second quarter pa nilliligawan ang kaklase niyang si Faith de Villa, ang babaeng hinandugan niya ng tula noong Linggo ng Wika. Noong Biyernes bago maguwian ay pumayag ito sa paanyaya niyang mag-stroll sa mall at siya ang nagdala ng bag at mga libro nito. Tinanong ni Kevin si Faith kung ano na ang estado ng panliligaw niya. Hindi tuwirang sumagot ang dalagita. hanggang doon lang daw muna ang kanyang maibibigay. Kaya tuloy ay umuwing bitin si Kevin.
Hindi napansin ni Kevin na walang kinang sa mga mata ni Faith tuwing sila ay nag-uusap. Hindi bumibilis ang tibok ng puso nito tuwing sila ay naghaharap. Siya ang unang nanligaw kay Faith at gusto ng dalagita ang pakiramdam ng may sumusuyo at nagbibigay ng atensyon na di niya makuha sa kanyang pamilya. Pero wala itong nararamdamang pagmamahal sa kanya.
Kagabi sa higaan, bago siya takasan ng diwa at nanaginip, napangiti si Kevin at naisip na malapit na siyang sagutin ni Faith. Paliwanag niya sa sarili, nahihiya lang si Faith magsabi ng totoo niyang nararamdaman sa kanya. Bukas, bibili siya ng malaking teddy bear sa Blue Magic at ihahandog sa babaeng minamahal.
Siguro, pinaghahandaan mo ng dinner date ang misis mo tulad ni Alex Paredes at ginawang formal dining ang maliit na komidor na kakabit ng kanilang kusina. Nagluto siya ng lamb chops at naglabas ng mamahaling red wine at dalawang wine glasses na "souvenir" niya mula sa hotel kung saan dinaos ang isang company conference. Pinatugtog niya sa kanyang i-pod si Ruther Van Dross at pinatay ang mga ilaw ng buong kabahayan. Nagsindi siya ng mga scented vigil candles sa sahig at sinabuyan ng talulot ng pulang rosas ang paligid. tatlong taon pa lang silang kasal ni Imee pero ngayon lang niya hinandaan ng ganitong klaseng date ang asawa.
Kahapon ay pinapunta siya ng kanyang doktor sa klinika para basahan ng resulta ng kanyang medical exam. May cancer siya sa sikmura at binigyan ng dalawang buwan para mabuhay.
Mamayang gabi, pag-uwi ni Imee ay masosorpresa siya. Siguradong maiiyak ito sa tuwa. Parang gustong sumabog ng puso ni Alex sa pananabik at di napigilang maluha. Mamayang gabi, pagkatapos ng hapunan ay buong ingat at pagmamahal, apoy at hanging amihan, tubig ng talon at tubig ng ilog na sila'y magniniig.
Sumumpa siyang hinding-hindi sasabihin sa asawa ang naghihintay sa kanilang kapalaran.
Siguro, excited ka din tulad ni Aling Medea na stay-in maid sa isang ekslusibong subdivision. Dahil limang taon na siyang naninilbihan sa among doktor ay madali siyang nakapagpaalam na magpalipas ng gabi sa kanyang mga kamag-anak sa Paranaque. Dali-dali siyang bumili ng pancit Malabon bago sumakay ng bus pa-timog.
Sa gabing iyon, tulad ng nakagawian tuwing araw ng mga puso, magpapa-street party ang magkakapitbahay ng San Sebastian Dulo. Maglalabas si Aling Brenda ng tatlong maliliit na mesa at mga bangko sa harap ng kanyang tindahan. Naglabas din ang asawa niyang si Mang Kanor ng limang case ng beer at pitong bote ng The Bar. Si Evelyn naman, nagbabarbecue ng isaw at baboy. Nilapag ni Aling Medea ang bilao ng pancit sa mesa.
Mag-aalas dose ng gabi, humarap sa inarkilang videoke ang barberong si Mang Julio at kumanta ng awiting cha-cha.
"Sa `yong inaakala
nalimot na kita
Gayong ako ay laging
tapat sa `yo sinta
Buhat nang mawala ka
ako ay nagdurusa
Kahit ka nagtampo
sana'y malaman mo
Mahal pa rin kita...."
Dahil pinawi na ng alkohol ang anumang natirang hiya sa kanilang mga katawan ay pumunta sa gitna ng kalsada ang magkakapitbahay at sinabayan ng pag-indak ang kanta.
Kinalimutan muna ni Aling Brenda ang kinikimkim na sama ng loob sa asawa dahil sa dalas nitong mahuling nakikipaghuntahan sa mga babaeng mas bata sa kanya. Nagduwelo ang dalawa sa pagcha-cha.
Kinalimutan na muna ni Evelyn ang lungkot dahil tatlong taon nang nagtatrabaho sa Cambodia ang asawa. Kacha-cha niya ang kapatid niyang si Gaston.
Kinalimutan muna ni Aling Medea ang anak na nakasaksak at nakapatay ng baranggay tanod at kasalukuyang pinaghahanap ng mga pulis. Hayaan muna 'yon at kasayaw naman niya si kumareng Linda at paris silang pinamumulahan ng mukha sa kalangisan.
Ngayong gabi ay araw ng mga puso at kalimutan muna ang araw-araw na pakikipaglaban para mabuhay. May perya sa loob ng puso ng tao at ang buhay ay isang roleta ng pag-ibig.
-Wakas-
February 14, 2011
Araw ng mga Puso.
Mag-isang nagsusulat sa
isang kapihan sa grocery.
No comments:
Post a Comment