Walang Hanggan
(Kuwentong Paspasan)
Ni Johnjo Tuason
Alay kina Tatum at Iggy
Maaaring nangyari o hindi ang kuwentong ito.
Na noong sumabog ang Mayon noong 1814 at dumagsa ang taong bayan sa simbahan ay kabilang sa kanila ang magsing-irog. Itinanghal ng banal na Padre ang Santisimo Sacramento sa altar upang maging kalakasan ng lahat. Lumuhod ang taong bayan at nagsimulang umawit ng “Te Deum”.
Biglang pumasok ang takot na takot na sacristan. Inanunsyong paparating na sa kanilang lugar ang dagat na apoy mula sa bulkan. Nagsigawan ang lahat. Nahibang ang mga kababaihan at ang mga makasalanan ay tumangis sa harap ng Diyos. May mga kumapit sa abito ng Padre at humingi ng saklolo. Walang magawa ang matandang prayle kundi magsisi kung bakit niya iniwan ang EspaƱa.
Wala nang makakaalam pa kung sino ang nagyaya o humatak. Tumakbo ang magsing-irog at umakyat sa matayog na kampanaryo upang doon humanap ng kaligtasan. Mula sa tuktok ay nakita nila kung papano kumutan ng nagliliyab na dagat ang bukirin at hanggang sa lamunin nito ang mga kabahayan. Rumagasa ito sa ilalim nila at bawat madaanan ay natupok.
Hindi na makayanan ng magsing-irog ang nakapapasong init, ang usok at ang nakakasulasok na amoy ng asupre. Naglapat ang kanilang mga labi at yumakap sa isa’t-isa. Hanggang inubos ng marubdob nilang damdamin ang kanilang hininga.
Dalawang daang taon ang nagdaan. Sa paanan ng kampanaryo ng Cagsawa, pagkatapos magpalitrato sa tour guide ay di napigilan nina Kirk at Constance at sila’y naghalikan sa ilalim ng nangangalit na araw. Mula sa kalayuan ay parang nakarinig si Constance ng mahinang pag-awit. Nag-aral siya sa mga madre kaya nakilala niya ang banayad na pagkanta ng “Te Deum”.
--May 4, 2011
(Sanlinggo pagkatapos dumalaw ng Cagsawa ruins)
No comments:
Post a Comment