Habag
(Kuwentong Paspasan)
Ni Johnjo Tuason
Sa Baclaran.
Pumasok ako sa simbahan at nakita ko ang isang matandang babaeng nagdarasal. Mula sa pinto ay paluhod siyang lumakad hanggang makarating sa altar. Inangat ang nagdarahop na palad sa hangin at sa harap ng Ina ng Laging Saklolo ay humingi ng awa at habag.
Sumakay ako ng dyip pauwi sa Sucat. Habang hinihintay lumuwag ang masikip na kalsada ay biglang may umakyat na batang lalake, gumapang mula entrada hanggang sa likod ng tsuper kung saan ako nakaupo. Hawak ang isang basahan ay pinunasan niya ang bawat paang madaanan. Sa dulo’y lumuhod ang yagit at inangat ang nagdarahop na palad sa hangin, humihingi ng awa’t habag.
Hindi ako makakibo.
--Mayo 4, 2011
No comments:
Post a Comment