Padasal
(Kuwentong Paspasan)
Ni Johnjo Tuason
Naglalako si Catalina ng dasal sa mga hagdan ng basilica ng Birhen ng Peñafrancia. Tangan ang nangangalawang na rosaryo at lukot-lukot nang nobena ay nilalapitan niya ang mga nagsisimba, mga dayo at mga deboto at tatanungin ng “Nobena po? Magpapadasal po ng mga intensiyon at hiling kay Ina?”
Sampung taon na niyang hanapbuhay ito. Mula noong minsan ay nangailangan at pumunta ng basilica para manalangin kay Ina. Namatay ang nag-iisang anak at iniwan ang kanyang apong may leukemia. Halos isang buwan siyang pabalik-balik sa dambana upang haplusin ang kapa ng imahen ngunit nanatiling mailap ang kasagutan sa kanyang mga problema.
Minsan siya’y nakaluhod at nananalangin ay may tumabi sa kanyang nanay na may tangang anak. Walang malay ang batang babae. Halos pumutok ang puso ng babae habang pinagdarasal ang anak.
Bumulong si Catalina ng panalangin kay Ina. Maawa ka sa babaeng ito, sabi niya. Biglang gumising ang bata at tumayo. Tinatanong ang kanyang nanay kung bakit ito umiiyak.
Madalas balikan si Catalina ng mga suki at nagpapasalamat sa kanya at nitong huli ay hindi na niya tinatanong sa Diyos kung bakit ba ang mga dasal niya para sa sarili ay tila hindi sinasagot.
--May 5, 2011
(Sanlinggo pagkatapos dumalaw sa Basilica ng Peñafrancia, Naga City)
No comments:
Post a Comment