Tuesday, November 29, 2011

Origami (Maikling Kuwento)

Origami
Ni JohnjoTuason

UMUWI ANG MANUNULAT na may kung anong mabigat na dumadagan sa dibdib. Galing siya sa espesyalistang duktor at ipinagtapat sa kanya na may cancer siya sa bituka at ilang buwan na lang ang itatagal ng kanyang buhay. Pampalubag loob pang sinabi sa kanya na tulad ng karaniwang nangyayari, kung maganda ang pagresponde ng katawan niya sa treatment ay maaaring umabot pa siya ng isang taon.

Sinalubong ang Manunulat ng kanyang nanay at napansin agad na mayroon siyang dinaramdam.

“May problem ba?”, tanong nito.

Bakit ba gano’n ang mga nanay? Kahit pagkatapos ng mahabang panahong magluwal ng anak ay hindi na kailanman napuputol ang pising nagdudugtong sa kanilang mga pusod?

Tinitigan niya ang nanay niya at marahang hinatak papunta sa kuwarto niya. Halos tatlong oras sila sa loob at kinabahan ang katulong na si Ditas nang marinig ang impit na pag-iyak ng nanay ng Manunulat sa loob ng kuwarto.


MAG-AALAS KUWATRO NG HAPON ng tumigil ang dilaw na school service sa harap ng bahay at bumaba ang batang si Ignatius na ang bansag sa bahay ay “Intoy”. Anak siya ng Manunulat sa pagkabinata. Mabilis itong pumasok ng bahay at sinalubong ng kanyang tatay na binuhat siya at niyakap ng mahigpit.

“Nako”, sabi ng Manunulat., “ang bigat-bigat mo na!”

“Eh paanong hindi bibigat, lumalaki na!”, ang sabi ng nanay ng Manunulat mula sa likod. “Sinanay mo kasing buhatin, grade 5 na! O, dito na sa kusina para magmeryenda.”

Habang pinagmamasdan ng Manunulat ang anak na kumakain ng sampurado ay naramdaman niya ang matinding lungkot. Kaya naisip niyang hindi na ipagtatapat kay Intoy na siya ay may sakit at mamamatay.

Napansin pala ng nanay niya ang tulalang panonood niya sa bata at hindi napigilang maapektuhan. Tumayo itong bigla at nagpaalam. “Babanyo muna ako”, nanginginig ang boses nitong sinabi at dali-daling tumalikod.



DATI, BINIBILANG PA NG MANUNULAT ANG KANYANG MGA AKDA. Ilan ba ang na-publish? Ilan ba ang pinarangalan? Ilan ba ang pinistaan? Ilan ang nanatiling ideya na lamang at hindi na tuluyang nahabi at nabuo? Ngayong nasentenysahan na ang kanyang buhay at paubos na ang kanyang mga natitirang araw ay hindi siya mapakali. Gusto niyang sumulat nang sumulat, ibuhos ng kanyang diwa ang lahat ng posibilidad, taktakin ang utak niya’t pagiging malikhain. Nagmadali siya. Magdamag siyang humarap sa PC at tumipa siya. Sinabayan niya ang mga segundo. Tumipa siya hanggang sa malagpasan na niya ang pagpitik ng mga mili-segundo. Lahat ng kulay na nakita ay naging maikling kuwento. Lahat ng naamoy at narinig ay nagkaroon ng sukat at metro. Lahat ng masalat ng mga daliri at palad ay naging mga dula at nobela. Umikot ng umikot ang kanyang ulo at saka nahilo. Hanggang sa isang gabi ay nanlaban na ang sariling katawan at pagod siyang sumalampak sa kanyang kama.

Narinig niyang umiiyak si Intoy sa kabilang kuwarto. Tumayo siya at nagmadaling pumunta sa anak. Nakita niya itong nakaupo sa tabi ng kama, tangan-tangan ang isang tupi-tuping papel na iniiyakan ng bata.

“O, ano’ng nangyari?” Tinabihan niya ito.

“Tinutukso po ako ng mga kaklase ko”, paliwanag ni Intoy na hihikbi-hikbi pa. “Pinagagawa kami ng origami ni teacher pero di ako makasunod. Pinagtawanan nila ako.”

Inakbayan ng Manunulat ang bata at kinuha mula dito ang tupi-tuping papel. “Ano ba dapat ‘to?”, tanong niya.

“Aso po”.

Ang ginawa ng Manunulat ay binuklat ang papel at tinuwid ang gusut-gusot. Sinimulan niyang tupiin muli ang papel sa harap ng bata at unti-unting nagkaroon ito ng katawan ng aso, nagkaroon ng nguso, tenga, mga paa, at buntot. Bukang-buka ang mga mata ni Intoy sa pagkamangha. “Marunong ka, Tatay?”, bulalas nito.

Napangiti ang Manunulat. Tinuruan niya ang anak kung paano gumawa ng asong papel. Tupi sila nang tupi hanggang sa huli ay nakuha din ni Intoy kung papano gumawa ng asong papel. Naengganyo silang mag-ama kaya halos singkuwentang asong papel ang nalikha noong gabing ‘yon.

Nakita ng Manunulat ang saya ni Intoy kaya’t sa mga sumunod pang araw ay iba’t-ibang anyo ng origami ang itinuro niya dito: pusa, bahay, Bangka, ibon, dinosaur, bola, kahon, bulaklak. Nang naubusan siya ng origaming alam ay naghanap siya sa Google na siyang ginawa nilang mag-ama gabi-gabi bago matulog. Pati pinakakumplikado ay pinag-aralan nilang dalawa gawin: telebisyon, computer, space ship, simbahan, eroplanong may tarmac, haring nakaupo sa trono, prinsesang nasa tuktok ng tore at naghihintay ng sasagip, kabalyerong may tangan-tangang espada, sapatos ni Cinderella, huklubang may dalang basket at may maliliit na mansanas.

Isanglibo’t isang kuwentong hindi isinulat ng tinta kundi itinupi ng mga daliri. Nang maubusan ng papel ay sinimulang tupiin ang mga pahina ng mga pinagsulatan ng Manunulat. Pamilyang gawa sa papel, kusinang gawa sa papel, baul ng kayamanang gawa sa papel, papel na duktor na may stethoscope, hiringgilya, ambulansya, hospital bed…

At dumating ang araw na nakaratay na sa higaan ang Manunulat. Kapiling niya gabi-gabi ang anak. Ang paligid nila’y isang museo ng iba’t ibang uri ng origami. Sa buong panahong ito ay hindi na nakapagsulat pa ang Manunulat. Walang bagong kuwento siyang nalikha. Tanging mga bangka-bangkaan, bahay-bahayan, kastilyo-kastilyuhan at tao-tauhan lang na gawa sa papel.

Pero ‘di bale na.

Magkahawak ng kamay ang mag-ama. Hindi na makapagsalita ang Manunulat. Ngiti lang ang binibigay niya sa anak. Si Intoy naman, madalas lumuha ngunit nakangiti din sa kanyang tatay.

Hanggang sa ibuhos na ng Manunulat ang kanyang kaluluwa. At nataktak na mula sa kanyang baga ang huli niyang hininga.


GAGRADWEYT NA SI IGNATIUS O INTOY MULA SA KOLEHIYO sa susunod na Sabado. Nagkataong ang araw na iyon ay siya ring kaarawan ng kanyang yumaong tatay. Napaisip siya kung ano ang maaari pang ihandog sa tatay niya bukod sa kanyang pagtatapos. Umupo si Intoy sa harap ng PC ng Manunulat at sa piling ng isanlibo’t isang origami ay nagsimulang tumipa’t sumulat.

“Noong bata ako, tinuruan ako ni Tatay gumawa ng asong papel…”


WAKAS

Nobyembre 30, 2011
Anibersaryo ng kamatayan ng aking Ate:

Monique Tuason
(Mayo 24, 1979-Nobyembre 30, 2005)

Monday, November 28, 2011

Mga Kamay, Mga Paa (Maikling Kuwento)

Mga Kamay, Mga Paa

Ni Johnjo Tuason

May hinahanap si Deo Manahan na hindi niya matukoy kung ano. Para sa iba ay parang nasa kanya na ang lahat. Galing siya sa maykayang pamilya at nagtapos sa isang prestisyosong unibersidad. Nagtapos siya ng Journalism at ngayon ay itinuturing na isa sa mga mahuhusay na field reporters ng SDB-3 news and current affairs. Noon ay “bright boy” ang tawag sa kanya ng kanyang mga boss. Minsan ay inanyayahan pa siyang mag-lunch ng CEO ng kumpanya para pag-usapan ang kanyang magandang kinabukasan sa media.

Pero tulad ng balon na natutuyuan din, naubusan ng istoryang magaganda ang utak ni Deo. Kung bakit ba naman sumabay pa sa pinagdadaanan niyang quarter life crisis! Kaya tuloy mas umigting ang kanyang depresyon nang minsan ay nakatanggap siya ng memo mula sa VP ng news at current affairs na si Lorena Dejado na “to shape up or else!”

Minsan ay napadaan si Deo sa simbahan ng San Lorenzo Ruiz sa Binondo, nagbabakasakaling makahanap ng kuwento. Napansin niya ang mag-asawang nakaupo sa harap ng simbahan. Maalaga ang babae sa kanyang mister at parang kinikilig pa si lalaki habang pinupunasan siya ng pawis ng kanyang minamahal. Mayamaya’y kinuha na ng babae ang gitara na nakasandal sa pader at nagsimulang tumugtog. Umawit ang lalaki ng “Green Grass of Home.”

Pero ang talagang nakatawag ng pansin ni Deo ay ang lalaki. Putol ang mga braso at binti nito. Para itong manikang sira na nakapatong sa isang lumang kariton na siguradong tinutulak ng kanyang misis saan man niya gustong pumunta.

“Sa wakas”, sabi ni Deo, “a story worth telling!” Nilapitan niya ang mag-asawa at nagpakilala. Namukhaan siya kaagad ng mga ito at nalugod na sila’y kinakausap ng isang tao sa TV. Pumayag silang interbyuhin ni Deo.

Nagkuwento si Mang Tom ng kanyang buhay. Ipinanganak na siyang ganoon ang kalagayan kaya iniwan siya ng kanyang ina sa harap ng karnabal. Mula pagkabata ay nagging atrakson na siya dito bilang “Prinsipe ng Mga Pawikan”. Nang makilala niya ang misis niyang si Susie na kapapasok lang sa karnabal bilang assistant ng madyikero ay nagpasya na siyang magretiro. Naging mga musikero sila sa labas ng simbahan, nananalanging may makapansin at mahabag na bigyan sila ng konting panggastos sa araw-araw. Biniyayaan sila ng tatlong anak na matiyaga nilang pinaaaral. Nagmamalaki pang sinabi ni Mang Tom na lahat ng kanyang mga anak ay "buo".

“Bakit ganito pong may kapansanan kayo at mahirap ang buhay ay masaya kayo at parating nakangiti?”, tanong ni Deo.

Kaya nagsalaysay pa si Mang Tom.

“Kasi noong bata pa ako ay sinama ako ng takilyera ng perya para magsimba. Tinulak niya ang kariton ko sa initan papunta dito sa basilika. Hindi ko nakalimutan yung sermon ng pari. Ikinuwento niya yung nangyari daw sa isang bansa sa Europa pagkatapos ng digmaan. May isang lalaki daw na pumasok sa isang simbahan na wasak-wasak dahil pinasabog ng mga kalaban. Sa loob ay nakita niya ang krus ng altar na nasa sahig. Ang Kristo, naputol ang mga kamay at mga paa.

“Nagtulungan ang buong bayan para itayo muli ang simbahan sa kanilang mga sariling kamay. Inilagay nila ang sirang krus sa gitna ng altar. Ang tanging hindi nila pinaayos.

“Ang Kristong putol ang mga kamay at paa. Sa tabi nito ay may nakasulat: KAYO ANG AKING MGA KAMAY. KAYO ANG AKING MGA PAA.

“Hindi ko maintindihan ang reaksyon ko nang marinig ko ang kuwentong 'yon. Humagulgol ako nang humagulgol at hanggang matapos ang Misa ay inaalo ako ng takilyera. Lahat ‘ata ng sama ng loob ko sa buhay, ang galit ko sa nanay ko at ang tampo ko sa Diyos, lahat ng ‘yon parang lumabas sa mainit kong mga mata, dumaloy kasama ng aking luha.

“Pagkatapos n’on, n’ong umuwi na kami sa karnabal, nagdasal ako sa krus na nakasabit sa pader ng kuwarto ko. Sabi ko sa Kanya na kung puwede lang, dahil wala naman akong mga kamay at paa, kung pupuwedeng Siya na lang ang maging mga kamay ko. Siya na lang ang maging mga paa ko.”

Lumipas ang isang oras, natapos ang interbyu. Nagpaalam na si Deo at nagkasundo silang babalik bukas kasama na ang camera man. Hindi siya palasimba. Pero may kung anong humatak sa kanya papaloob ng simbahan at lumuhod siya sa harap ng altar. Gusto niyang magdasal. Ang unang dasal na gagawin niya sa mahabang panahon. Pero wala siyang maisip. Wala siyang masabi. Dumaloy nang gano’n na lang ang kanyang luha at sinalo naman ng kanyang mga hikbi.


WAKAS

February 25 at Nobyembre 29, 2011