Listahan ng Mga Pangarap
(Kuwentong Paspasan)
Ni Johnjo Tuason
Anim na taong gulang si Sabel nang unang mangarap. Gusto niyang mag-aral pero walang pantustos ang nanay niyang naglalako ng tigsasampung pisong balot ng kamatis at kalamansi sa harap ng munisipyo.
Gusto niyang matutong sumulat. Ang paborito niyang laro ay ang kumuha ng basyong karton ng sigarilyo at sulatan ang blangkong puti ng mga pangarap. Kunwari ay marunong siyang magsulat at kinakahig ng lapis ng kung anu-anong pigurang mukhang letra ang likod ng karton.
“Paglaki ko”, sabi ni Sabel sa sarili, magiging teacher ako. Ituturo ko sa mga bata ang tamang pagsusulat. Ang tamang pagbabasa. Ang tamang pagbigkas ng mga salita.”
At patuloy siyang gumuhit sa listahan niya ng mga pangarap:
ℓµℲ₱€№₲₴≠≤………
DALAWAMPUNG TAON ANG LUMIPAS.
“Waitress!”, sigaw ng isang may edad-medyang lalaki. “Isa pang beer!”
Lumapit si Sabel, inilabas ang notepad at ballpen mula sa apron na mahaba pa ang laylayan sa pagkaikli-ikli niyang shorts.
Inilabas ni Sabel ang order ng lalake. Kasama ng iba pang order na nilista sa blangkong papel.
“Ano pa?”, may pagkagaspang na tanong ni Sabel.
“Wala na.”, sagot ng lalake. “Ay meron pa pala…puwede ka ba ngayong gabi?”
“Mamaya na natin pag-usapan ‘yan. Marami pang order!”
At tinalikuran siya ni Sabel at hinarap ang isa pang kostumer na kanina pa tumatawag.
-WAKAS-
February 25, 2011
EDSA, 25th Anniversary
No comments:
Post a Comment