Nostalgia
(Kuwentong Paspasan)
Ni Johnjo Tuason
“Pana-panahon ang pagkakataon, maibabalik ba ang kahapon”
--Noel Cabangon
High na high si Dan sa pagmamahal sa bayan ngayon. Nasa paanan siya ng stage sa libreng pa-concert na inorganisa ng pamahalaan at kanilang supporters para sa pagdiriwang ng 25th year anniversary ng EDSA 1986 revolution.
Iba talaga ang feeling kung ipinagdiriwang ang kalayaan, naisip ni Dan. ‘Di pa siya pinapanganak noong mapayapang rebolusyon ngunit sabik na sabik siyang makiisa sa pagdiriwang na ito. Fourth year high school siya sa isang pribadong Catholic school at paulit-ulit na tinuturo sa kanya ang pagmamahal sa Diyos at bayan.
Nagsimula ang lahat noong namatay si President Cory at isa siya sa mga libu-libong nakipaglibing. Suot niya’y dilaw na t-shirt na may mukha ng mag-asawang Aquino, tangan-tangan ang dilaw na kandilang binili niya sa harap ng gate ng Manila Memorial. Noong nakita niya si Noynoy ay nagkaroon siya ng pagnanasang kamayan ito.
“Pagbabago”. Ito ang paulit-ulit na dumadaan sa isip ni Dan habang pinapasok niya ang sementeryo at nasaksihan ang paghila ng karosang de kabayo sa kabaong ng yumao. Kahit wala pa sa edad ng pagboboto ay kinakampanya niya si Noynoy sa kanyang mga magulang na pinag-iisipang si Manny Villar ang pipiliin sa eleksyon. Nakapirdible siya ng dilaw na ribbon pag pumapasok sa eskuwelahan at lahat ng notebook ay dinikitan ng yellow ribbon sticker. Ito ang kanyang kontribusyon sa pagtahak ng tuwid na landas.
At ngayong nasa harap siya ng stage at nakikinig sa isang makabayang awitin ni Noel Cabangon ay di niya napigilang pumatak ang isang luha sa kanyang mata.
Uminom pa si Dan ng natitirang distilled water mula sa botelyang plastic at tinapon ang basyo sa gilid ng daan, kasama ng iba pang kalat ng pinagkainan, balat ng kendi at upos ng sigarilyo na inipon ng kahabaan ng EDSA mula sa mga nagsipagdiwang.
Nanatiling nilulunod ng awitin ang diwang makabayan ni Dan at napabuntunghininga, “Ang sarap talagang maging Pilipino.”
--WAKAS—
March 1, 2011
No comments:
Post a Comment