Friday, August 26, 2011

PISO (Maikling Kuwento)

PISO (Maikling Kuwento)

Ni Johnjo Tuason


UMAGA PA LANG AY HINDI NA MAPAKALI SI NANA RITA. Paroo’t-parito, bawat sulok ng maliit niyang bahay ay sinusuyod niya ng kanyang naglalabong mga mata at kinakahig ang lupang sahig, gamit ang baston na gawa sa sirang payong at pinagbabaklas ang mga tangkay.

Inabot na siya ng hapon at nang mahapo na’y umupo sa bangkito at tumanaw sa labas ng bintana. Nakita niya ang balangkas ng apong si Peping na naglalakad palapit ng bahay, tinatakpan ang palubog nang araw.

Pumasok si Peping ng pinto at nagmano sa kanyang lola at umupo sa maliit na mesa. Sinindihan niya ang gasera. Maliit lang dapat ang mitsa, parating sabi ng kanyang lola. Kailangan tipirin ang kerosin. Umupo siya at nilabas mula sa gusgusin niyang bag ang kaisa-isa niyang notebook at pudpud na lapis. Nilapag niya ito sa harapan at sinimulang gawin ang kanyang assignment .

Lahat ito ay pinagmamasdan ni Rita mula sa kanyang kinauupuan. Napangiti ang puso niya (palibhasa’y hindi sanay ngumiti ang labi, ni hindi niya maalala kung kalian siya huling tumawa). Matalino ang apo at masipag. Sayang nga lang at dose anyos na’y nasa grade four pa din. Ilang beses na kasi itong tumigil mag-aral noong ngakasakit ang tatay nito, ang kaisa-isang anak ni Rita na si Beni. Sa buong angkan ni Rita ay walang nakatapos ng pag-aaral. Ipinanganak siyang tagagapas ng tubo ang kanyang mga magulang at iyon na din ang kanilang kinahinatnan magkakapatid. Pinasa niya ang trabahong ito sa anak niya at ito na marahil ang kapalaran ni Peping.

Tumanaw muli sa labas ng bintana si Rita. Nagtatago na ang araw sa likod ng mga kakahuyan. Ilang paglubog ng araw na ang kanyang nasaksihan. Dumaan lang ang mga araw na parang paglalakad pauwi ng mga obrero mula sa tubuhan. Kung ikukuwento ang kanyang buhay pagkatapos ng kanyang pagpanaw ay para lamang mga tubo. Tumutubo, nahinog, at nang naglaon ay gagapasin.

Lumaki siya na parang diyos ang turing sa mga Amo. Bihira makita pero naririnig lang sa mga kuwento-kuwento. Ang madalas lang nilang makita ay ang Tagapamahala ng asyenda, sakay ng kanyang humahagibis na dyip.

Ang Tagapamahala ay mabait at malakas ang karisma. Manugang ng may-ari ng lupain. Bata pa ito at balitang tatakbo sa pulitika. Balitang utang na loob daw ng Amo sa kanya kung bakit napasakanilang pamilya ang malawak na asyenda. Ang asawa nito ang pinakamagandang anak ng Amo.

Sa pagdaan ng mga panahon, nabalitaan ni Rita na masalimoot ang kinahinatnan ng Tagapamahala at ng kanyang asawa. Kinulong daw ang Tagapamahala. Nang naglaon ay nadistiyero sa Amerika at nang umuwi sa Pilipinas ay binaril sa airport. Ngunit wala siyang maramdamang habag sapagkat abala siya sa pag-aasikaso sa asawa at anak, sa paggapas ng tubo at pagsunog ng bigas na gagawing kape sa agahan. Bakit nga ba niya pagkakaabalahan ang trahedya ng buhay ng mga amo gayong ang sarili niyang buhay ay masalimuot din—mas masaklap pa nga dahil kahit anong problema ang dumating sa mga amo ay kumakain pa din sila ng tatlong beses sa isang araw. Samantalang si Rita, pinoproblema araw-araw ang kalam ng sikmura hanggang sa mamatay ang asawa niya.

Hindi siya katulad ng nakatatanda niyang kapatid na pinoproblema ang karapatan nilang mga trabahador. Pag iyon ang pinag-uusapan ay parating galit ang tono ng kanyang Kuya Ikoy. Siguro dahil parati itong nakikisama sa dumadayo sa kanilang lugar na mga mag-aaral. Pawang malalakas ang kanilang boses at parating galit. Itinuturo sa lahat na sila daw ay may karapatan at kailangan itong ipaglaban. Sa kanila daw ang lupang pinagtatrabahuan. May kasunduan daw na ginawa sa pagitan ng gobyerno at Amo. Pagkatapos daw ng ilang taong pagmamay-ari ay dapat ilipat sa pangalan ng mga trabahador ang buong asyenda.

Sinabi niya sa kanyang Kuya Ikoy minsan na huwag nang sumama sa mga taong iyon. Pero wala siyang magawa. Hanggang sa minsan ay nabasag ang kapayapaan ng asyenda. Nagtipon ang mga magsasaka kasama ang kanyang Kuya Ikoy para pakinggan ng mga amo ang kanilang hinaing. Dumating ang mga armadong lalaki at pinaulanan sila ng bala.

Kinausap ni Rita ang kanyang kapatid habang binababa sa hukay. “Bakit mo pa kasi pinoproblema ang lupa? Ang dapat problemahin ay ang kalam ng sikmura. Makakain lang ng kahit isang beses sa isang araw ay sapat na.”


SA PAGGUNITA AY DI NAPANSIN NI RITA na nakatulog na pala ang kanyang apo sa mesa, tinatanuran ng malamlam na liwanag ng gasera ang pagod nitong mukha. Hindi man lang nakakain si Peping ng hapunan. Ubos na ang bigas kaninang umaga at ang asing pang-ulam ay kakaunti na lamang. Tumayo si Rita at nilapitan ang apo. Tinapik niya ito sa balikat at sinenyasang mahiga na sa papag. Pumupungas-pungas pa si Peping nang tumayo at nahiga. Niligpit ni Rita ang notebook at lapis at pinasok sa loob ng bag. Napatingin siya sa apo. Pakikiusapan niya sana ito na huwag muna pumasok sa eskuwela bukas para gumapas ng tubo. Pero naawa siya kaya susunod na araw na lang niya ito sasabihan.

Sa pagpatay ni Rita ng sindi ng gasera’y sumama na dtto ang natitira pang liwanag ng araw. Tulad din ng kanyang buhay, dadaan lang at lilipas. Naupo siya sa tabi ng apo. Napansin niya na may kumislap sa isang sulok. Tumayo si Rita at nagmadaling kinuha ang baston at lupait sa kumikislap. Sa wakas ay nakita din niya ang kanina pang umaga hinahanap. Pinulot niya ang piso at inilibing sa kanyang palad.

Noong isang araw ay nagdesisyon na ang mga amo. Imbis na ibigay sa kanila ang lupa ng buong-buo ay magiging parte sila sa pagmamay-ari ng asyenda. Bibigyan sila ng kani-kanilang dibidendo sapagkat ito ang nararapat sa mga “may-ari” Sila ngayon ay tatawagin dawn a mga “stock-holders”.

Pumila si Rita at tinagggap ang kanyang dibidendo para sa loob ng halos na anim na pung taon na pagtatrabaho sa asyenda—PISO. Pinapirma siya sa isang ledger at kinahig niya ang kanyang pangalan. Matagal na tinitigan ni Rita ang piso sa kaniyang palad. Wala siyang maramdaman. Ito ang halaga ng lahat ng ito. Ang pagkamatay ng kanyang asawa, anak at kapatid. Ang paggapas ng tubo maging ng kanyang apo.

Piso.

Nakatulog si Rita sa tabi ni Peping, tangan-tangan niya sa palad ang kanilang halaga.


WAKAS
--Hulyo 11 at Agosto 13, 2011

No comments:

Post a Comment