Origami
Ni JohnjoTuason
UMUWI ANG MANUNULAT na may kung anong mabigat na dumadagan sa dibdib. Galing siya sa espesyalistang duktor at ipinagtapat sa kanya na may cancer siya sa bituka at ilang buwan na lang ang itatagal ng kanyang buhay. Pampalubag loob pang sinabi sa kanya na tulad ng karaniwang nangyayari, kung maganda ang pagresponde ng katawan niya sa treatment ay maaaring umabot pa siya ng isang taon.
Sinalubong ang Manunulat ng kanyang nanay at napansin agad na mayroon siyang dinaramdam.
“May problem ba?”, tanong nito.
Bakit ba gano’n ang mga nanay? Kahit pagkatapos ng mahabang panahong magluwal ng anak ay hindi na kailanman napuputol ang pising nagdudugtong sa kanilang mga pusod?
Tinitigan niya ang nanay niya at marahang hinatak papunta sa kuwarto niya. Halos tatlong oras sila sa loob at kinabahan ang katulong na si Ditas nang marinig ang impit na pag-iyak ng nanay ng Manunulat sa loob ng kuwarto.
MAG-AALAS KUWATRO NG HAPON ng tumigil ang dilaw na school service sa harap ng bahay at bumaba ang batang si Ignatius na ang bansag sa bahay ay “Intoy”. Anak siya ng Manunulat sa pagkabinata. Mabilis itong pumasok ng bahay at sinalubong ng kanyang tatay na binuhat siya at niyakap ng mahigpit.
“Nako”, sabi ng Manunulat., “ang bigat-bigat mo na!”
“Eh paanong hindi bibigat, lumalaki na!”, ang sabi ng nanay ng Manunulat mula sa likod. “Sinanay mo kasing buhatin, grade 5 na! O, dito na sa kusina para magmeryenda.”
Habang pinagmamasdan ng Manunulat ang anak na kumakain ng sampurado ay naramdaman niya ang matinding lungkot. Kaya naisip niyang hindi na ipagtatapat kay Intoy na siya ay may sakit at mamamatay.
Napansin pala ng nanay niya ang tulalang panonood niya sa bata at hindi napigilang maapektuhan. Tumayo itong bigla at nagpaalam. “Babanyo muna ako”, nanginginig ang boses nitong sinabi at dali-daling tumalikod.
DATI, BINIBILANG PA NG MANUNULAT ANG KANYANG MGA AKDA. Ilan ba ang na-publish? Ilan ba ang pinarangalan? Ilan ba ang pinistaan? Ilan ang nanatiling ideya na lamang at hindi na tuluyang nahabi at nabuo? Ngayong nasentenysahan na ang kanyang buhay at paubos na ang kanyang mga natitirang araw ay hindi siya mapakali. Gusto niyang sumulat nang sumulat, ibuhos ng kanyang diwa ang lahat ng posibilidad, taktakin ang utak niya’t pagiging malikhain. Nagmadali siya. Magdamag siyang humarap sa PC at tumipa siya. Sinabayan niya ang mga segundo. Tumipa siya hanggang sa malagpasan na niya ang pagpitik ng mga mili-segundo. Lahat ng kulay na nakita ay naging maikling kuwento. Lahat ng naamoy at narinig ay nagkaroon ng sukat at metro. Lahat ng masalat ng mga daliri at palad ay naging mga dula at nobela. Umikot ng umikot ang kanyang ulo at saka nahilo. Hanggang sa isang gabi ay nanlaban na ang sariling katawan at pagod siyang sumalampak sa kanyang kama.
Narinig niyang umiiyak si Intoy sa kabilang kuwarto. Tumayo siya at nagmadaling pumunta sa anak. Nakita niya itong nakaupo sa tabi ng kama, tangan-tangan ang isang tupi-tuping papel na iniiyakan ng bata.
“O, ano’ng nangyari?” Tinabihan niya ito.
“Tinutukso po ako ng mga kaklase ko”, paliwanag ni Intoy na hihikbi-hikbi pa. “Pinagagawa kami ng origami ni teacher pero di ako makasunod. Pinagtawanan nila ako.”
Inakbayan ng Manunulat ang bata at kinuha mula dito ang tupi-tuping papel. “Ano ba dapat ‘to?”, tanong niya.
“Aso po”.
Ang ginawa ng Manunulat ay binuklat ang papel at tinuwid ang gusut-gusot. Sinimulan niyang tupiin muli ang papel sa harap ng bata at unti-unting nagkaroon ito ng katawan ng aso, nagkaroon ng nguso, tenga, mga paa, at buntot. Bukang-buka ang mga mata ni Intoy sa pagkamangha. “Marunong ka, Tatay?”, bulalas nito.
Napangiti ang Manunulat. Tinuruan niya ang anak kung paano gumawa ng asong papel. Tupi sila nang tupi hanggang sa huli ay nakuha din ni Intoy kung papano gumawa ng asong papel. Naengganyo silang mag-ama kaya halos singkuwentang asong papel ang nalikha noong gabing ‘yon.
Nakita ng Manunulat ang saya ni Intoy kaya’t sa mga sumunod pang araw ay iba’t-ibang anyo ng origami ang itinuro niya dito: pusa, bahay, Bangka, ibon, dinosaur, bola, kahon, bulaklak. Nang naubusan siya ng origaming alam ay naghanap siya sa Google na siyang ginawa nilang mag-ama gabi-gabi bago matulog. Pati pinakakumplikado ay pinag-aralan nilang dalawa gawin: telebisyon, computer, space ship, simbahan, eroplanong may tarmac, haring nakaupo sa trono, prinsesang nasa tuktok ng tore at naghihintay ng sasagip, kabalyerong may tangan-tangang espada, sapatos ni Cinderella, huklubang may dalang basket at may maliliit na mansanas.
Isanglibo’t isang kuwentong hindi isinulat ng tinta kundi itinupi ng mga daliri. Nang maubusan ng papel ay sinimulang tupiin ang mga pahina ng mga pinagsulatan ng Manunulat. Pamilyang gawa sa papel, kusinang gawa sa papel, baul ng kayamanang gawa sa papel, papel na duktor na may stethoscope, hiringgilya, ambulansya, hospital bed…
At dumating ang araw na nakaratay na sa higaan ang Manunulat. Kapiling niya gabi-gabi ang anak. Ang paligid nila’y isang museo ng iba’t ibang uri ng origami. Sa buong panahong ito ay hindi na nakapagsulat pa ang Manunulat. Walang bagong kuwento siyang nalikha. Tanging mga bangka-bangkaan, bahay-bahayan, kastilyo-kastilyuhan at tao-tauhan lang na gawa sa papel.
Pero ‘di bale na.
Magkahawak ng kamay ang mag-ama. Hindi na makapagsalita ang Manunulat. Ngiti lang ang binibigay niya sa anak. Si Intoy naman, madalas lumuha ngunit nakangiti din sa kanyang tatay.
Hanggang sa ibuhos na ng Manunulat ang kanyang kaluluwa. At nataktak na mula sa kanyang baga ang huli niyang hininga.
GAGRADWEYT NA SI IGNATIUS O INTOY MULA SA KOLEHIYO sa susunod na Sabado. Nagkataong ang araw na iyon ay siya ring kaarawan ng kanyang yumaong tatay. Napaisip siya kung ano ang maaari pang ihandog sa tatay niya bukod sa kanyang pagtatapos. Umupo si Intoy sa harap ng PC ng Manunulat at sa piling ng isanlibo’t isang origami ay nagsimulang tumipa’t sumulat.
“Noong bata ako, tinuruan ako ni Tatay gumawa ng asong papel…”
WAKAS
Nobyembre 30, 2011
Anibersaryo ng kamatayan ng aking Ate:
Monique Tuason
(Mayo 24, 1979-Nobyembre 30, 2005)
No comments:
Post a Comment